Naging viral kamakailan ang vlog ni Fr. Roniel Sulit mula Lipa, Batangas matapos ang nakakagulat na revelation na sinabi niya habang siya’y nag ho-homily sa isang kasal.

Ano kaya ang revelation na ito kung saan hindi lang ang mga netizens ang nagulat, kundi pati na rin ang mga nakikinig doon mismo sa simbahan na dumalo sa naturang kasalan.

Si Fr. Roniel pala ang ex-boyfriend ng bride.

Sa kanyang vlog, kuwento ni Fr. Roniel na kinakabahan siya sa mangyayari sa kasal ng dati niyang kasintahan na si Korina.

Pagdating niya sa simbahan, maririnig na tumatawa siya sa background habang palapit siya kay Korina na nasa loob ng kanyang bridal car.

Masayang kinamusta ni Fr. si Korina at may mga tinanong din siya kay Korina para daw sa kanyang homily na gagawin, habang inamin rin ni Korina na kinakabahan siya sa homily ni Fr. Roniel.

“Anong meron kay Manuel na wala sa akin?” pabirong tanong ni Fr. Roniel kay Korina.

Natawa naman si Korina at sinabihang umayos si Fr. Roniel.

“Nandyan ‘yung mga kamag-anak niya. Baka hindi na ako patuluyin sa Bulacan… sinasabi ko sa’yo!” saad naman ni Korina.

Makikita mo talaga na komportable sila sa isa’t isa kahit na nagkaroon sila ng nakaraan.

Sa huli, tinanong niya muli ng seryoso kung ano ang nagustuhan ni Korina kay Manuel.

“Marami, kasi super bait niya sa akin… Parang yun talage eh, si Manny at si Manny pa rin,” sagot ni Korina.

Sa una, mukhang maayos naman ang naging takbo ng kasal nina Korina at Manuel, pero, ibinalita na ang pari na mag kakasal sa kanilang dalawa, na coincidently, best friend ni Fr. Roniel, ay na-late, kaya kailangan pa nilang maghintay.

Nang magsimula na ang homily, kitang-kita na kinakabahan si Fr. Roniel sa altar ng simbahan.

Dito ay nagsimula nang mag-kwento ang pari tungkol sa pag-iibigan nina Korina at Manuel.

“Nang engage na sila ni Manuel, nagpadala sa akin ng picture si Korina, isang singsing at ang kanyang sabi, ‘Father may content ka na sa vlog mo!’

Tapos, nagsabi siya, bakit sa lahat ng mga taong kanyang ikinasal, kay Korina lang ang kanyang ginawan ng vlog?

“Yun ang tanong natin. Bakit kinakabahan si Korina at bakit ako’y kinakabahan rin,” saad ni Fr. Roniel.

“Ang dami ko na hong naikasal. Ito ang pinaka ako’y nanginginig. Tignan nyo, ako’y pawis na pawis na. Bakit niya ho sinabi sa akin na i-content ko ‘yung kanyang kasal? Kasi po si Korina ay aking ex [girlfriend],” kuwento ni Fr. Roniel.

Maririnig sa background na nagulat ang ilang bisita sa revelation na sinabi ni Fr. Roniel.

Biro pa niya, kaya raw natagalan si Fr. Johnsen, ang magkakasal kina Korina at Manuel ay dahil kasabwat niya ito para hindi matuloy ang kasal..

“Gayunpaman, the past is past. Hindi ba, Korina? ‘Yun ho ay matagal na. May kanya kanya na kaming buhay. Ako po ay pari na at ngayong araw na ito ay si Korina ay ikakasal na,” pagpapatuloy ni Fr. Roniel.

Sa kanyang homily, sinabi rin niya na sana maging maayos, masaya at matiwasay ang buhay nila Korina at Manuel bilang mag-asawa.

At sa huli, kita naman na masayang masaya si Korina sa bagong yugto ng kanyang buhay kasama ang asawang si Manuel.

Makikita rin na masaya si Fr. Roniel para sa kanyang dating minamahal.

“Iba-iba tayo ng bokasyon, mayroong pagtawag para sa pagpapari. ‘Yung iba ay tinatawag sa pag-aasawa. Kanya-kanya yan ng pagtawag mula sa Panginoon,” sabi ni Fr. Roniel.

“Ako ay masaya bilang pari at alam kong si Korina ay masaya sa kanyang tatahaking buhay may asawa. Wala itong bitter feelings. Lahat ay masaya. Kami ay magkaibigan at pwede pa rin namang magdamay kahit may kanya-kanya nang buhay,” sinabi niya sa huli.

Instagram