Tinawag na petty ni talent manager/showbiz columnist Lolit Solis si Pokwang dahil sa pagsingil nito sa mga kamag-anak at kakilalang BBM supporters na may utang sa kanya.

Sa kanyang tweet kamakailan, sinabi ng komedyante na tanggap na niya ang pagkatalo ng kandidatong sinusuportahan niya pero dapat ay magbayad na ang mga BBM supporters na may utang sa kanya.

Sa Instagram, sinabi naman ni Manay Lolit na maraming undecided voters ang naturn-off dahil sa mga celebrity na sumusuporta kay Leni.

Ang pagmamataas raw ng ilang Leni supporters ang nagtulak sa ilang voters na botohin si BongBong Marcos.

“Parang ang petty naman ni Pokwang na dahil lang Leni Robledo siya gusto na niya singilin ang may utang sa kanya na si Bongbong Marcos ang sinuportahan. Iyan ang ikinainis ng maraming undecided during the election, iyon bang parang pagmama taas ng mga maka Leni. Iyon midway parang sila na ang winner, iyon bang hindi pa nananalo mataas na agad ang tono,” ani Lolit.

Dagdag pa niya, “Kaya nga hindi nakapag tataka na wala pa sa kalahati ang nakuhang boto ng nakalaban ni Bongbong Marcos na 31M ang nakuha. Para kasing sobra sa confidence ang kalaban, lalo na iyon ibang mga artista na akala mo hardcore na kayang kaya ipanalo ang manok nila. Hayan, mukhang engot iyon iba kasi nga talunan.”

Kinumpara rin ng entertainment columnist si Pokwang kay Andrea Brillantes na hindi alam kung kailan dapat manahimik.

“Parang si Andrea Brillantes din si Pokwang, hindi alam when to shut up. Ok lang si Andrea dahil bata, pero si Pokwang dapat alam na ang ginagawa,” saad pa niya.

Instagram